compositions    

Panaginip
ni Banaue Miclat



Sumasayaw ang langit
    sa buliga ng mata ko.
Naghahabulan ang mga kabayo
    sa timpano ng ng tainga mo.
Binubuhay ng mga halakhak
    ang panaginip at multo.

Isang gabing hindi ka nagdaan,
Dalawang gabing hindi ka nagkita,
Tatalong gabing pinapatay ako.
Ako ang panaginip mo sa panaginip ko.

Nagsusuka ang langit
    sa ugat ng buhok mo.
Inaapuyan ang balat
    sa hibla ng laman.
Nabubuhay ang halakhak
    sa panaginip ng multo.

Lima nang gabing hindi ka nakikita,
Pitong gabi pang wala nang makikita.
Sa susunod na lingo, buhayin mo ako,
Gawing panaginip sa utak ng multo.

Ako ang panaginip sa panaginip mo.
Ikaw ang panaginip sa panaginip ko.
Ako ang alaala ng panaginip mo.
Ikaw ang multo ng mga multo ko.



Nobyembre 2000




Back to list


Copyright © 2005 Banaue Miclat | Design By: Violago.net